TUSOK BALITA ONLINE - A Publication of the National Darts Federation of the Philippines
     

300,000 Jay Harrow Santos Cup
Handog ng Pamilyang Santos

Share on Facebook
 
 
Ang P300,000 Jay Harrow Santos Cup ay handog ng pamilyang Jesse at Arlene Santos sa sambayanang dartero bilang pagpapasalamat  sa tinamo nilang magandang kapalaran bilang Overseas Filipino Workers (OFW).  Ang paglalaro ng darts ang nagbigay kasiyahan sa gitna ng kalungkutan ng pagiging isang OFW kaya mahal ni Jesse ang darts.

Ang tournament ay ipinangalan sa kanyang nag-iisang anak na si Jay Harrow Santos. Ang pangalang Harrow ay nanggaling sa kanyang ginagamit na Harrows dart set noon.

Bago pa man nag-abroad si Jesse ay isang dartero na siya.  Teamates sila ni Louie Soriano, ang kapitbahay niya sa Tondo Manila, sa Team ng Bombo Radyo.  Nagumpisa sila sa Division C sa dart league noong 1994 sa Manuela, at natapos sa Open Division.

Ayon sa salaysay ni Louie, dati-rati sila ay maghihintay ng mga napaglumaang flights mula sa lamesa ng Team Tusoquero upang makagamit man lang ng maayos-ayos na flights. Dinadampot sa lapag at pwede na.  Isang bote ng beer ang budget na pinaghahatian nila.  Ganyan ang buhay darterong sinapit nila noon.

Taong 1997 nang nagsimulang makipagsapalaran sa Abu Dhabi si Jesse bilang isang OFW.  Dito niya nakilala at nakalaro ang yumaong Freddie Dean, Jerry Flores, Joel Hizon, at ibang pang Pinoy darters.  Si Jesse ay nag-Seaman mula 2002 hanggang 2007 at sa kanyang pagmamahal sa darts ay pinagpatuloy ang paglalaro sa barko.  Taong 2007 nang magsimula syang magtrabaho sa mining industry ng Western Australia bilang isang Chef.  Isa sa pinakamalaking swelduhan sa Australia ay ang mga nasa mining, kaya sa loob ng pitong taon ay naka-angat ang pamilyang Santos.

Matikas pa rin bumato si Jesse at nag-champion sa Inaugural Tournament, ka-partner si Roy Agustin sa Darkside Bar and Grill noong Disyembre 27, 2014.

Lubos ang pasasalamat ng National Darts Federation of the Philippines (NDFP) sa tiwalang ibinigay ng pamilyang Santos sa pag-oorganisa ng 300K Jay Harrow Santos Cup.

Suportahan po natin ang pinakitang magandang loob ng pamilyang Jesse Santos mula ika-23 hangang 25 ng Enero, 2015 sa Il Centro, Sta Lucia Mall - ang P300,000 Jay Harrow Santos Cup.